Hiram na Bakit List
Bakit List.
Ito ang listahan ng mga tanong
mga tanong na hindi namang sinasadyang tanungin
pero bigla na lang sumagi sa isip.
Bakit nagsusulat, kung wala namang nadarama?
Akala ko ba'y matigas at sigurado,
pero bakit apektado?
Bakit hindi sadya? Bakit hindi umamin?
Bakit sagot?
Hindi naman ako yung tinanong.
Hindi rin naman sagot kung sa dulo'y may tandang pananong.
Bakit Tagalog?
Eh kasi hindi Ingles.
Bakit Pilosopo?
Kasi mali ang tanong.
Mali, tulad ng inakalang patutunguhan nga mga bagay-bagay
Mga kasunduang hindi natupad.
Mga pangakong napako.
Mga paninindigang hindi naipaglaban
Mga pusong umasa sa hindi dapat inasahan.
Bakit kahit hindi para sa akin ang kanta nadirinig ko't nadarama?
Bakit lumuha?
Hindi ko rin alam.
Bakit kasi binasa?
Kasi nga makulit.
Bakit parang nanlumo ang buong katawan
ng nalaman ang 'yong nakaraan?
Bakit nasaktan, kung mambabasa lamang?
Bakit kumirot ang dibdib?
Bakit ang daming tanong?
Bakit paulit-ulit mong kinukulit ang taong tinaboy kang parang paslit?
Bakit parang hindi ka napagod?
Bakit parang ayaw sumuko?
Bakit parang hindi napapatid ang kinakapitang lubid?
Bakit hindi mo binaba ang teleponong ayaw pansinin?
The number you have dialled is not yet in service.
The number you have dialled will never be in service.
Bakit patuloy na nagaabang?
Ang mensaheng sinulat mo ay may berdeng lumot na
katulad ng bilog sa gilid ng rektangulong kahon
na nagpapa-alalang nariyan siya
nagmamasid
nakikinig sa iyong hinaing
pero paulit-ulit na pinipiling hindi sagutin.
Bakit nagdarasal?
Sa Orion's belt na kumikinang
nanunukso
nanlilisik
nagpapaasang siya'y babalik.
Bakit kumakanta?
Bakit Up Darma Down?
Bakit ayaw ipaubaya na lang sa langit?
Baka hindi dapat patulan.
Baka hindi naman ang pagsuyo ang nagkulang.
Bakit hindi ikaw ang nagtanong?
Dahil ayaw mong malaman.
Luhaan. Sugatan. Di mapakinabangan.
Pero bakit ayaw mong punasan
ayaw mong pagalingin
ayaw mong tumindig
sa iyong hinagpis?
Bakit siya cold?
Eh bakit ikaw din?
Bakit challenge?
Kasi hindi ako.
Gusto kong manalo
pero parang sayo talong-talo.
Bakit di mo ko sineryoso?
Kasi sabi walang seseryoso.
Bakit ganyan ka katigas?
Dahil hindi lalambot ang yelo kung walang init na umaakap dito.
Bakit hindi mo ko bigyan ng chance?
Bakit humihingi ng chance?
Bakit umaasa?
Bakit kasi sumusulat?
Bakit nag expect?
Dahil mali ang basa sa signs.
Bakit nag assume?
Pause. Rewind. Bawal resume.
Bakit ginagaya?
Bakit hindi?
Bakit nakakarelate sa tulang hindi naman tungkol sa debate?
Bakit malabo?
Dahil mahirap maging klaro.
Dahil kahit ako'y hindi maintindihan
saan ba ito patungo.
Bakit mahaba?
Kasi hindi pa nasasabi
Hindi pa naipararating ang gustong sabihin
Bakit hindi pa?
Kasi hindi na.
Nagsara na ang aklat bago pa magsimula ang istorya.
Bakit list.
Ito dapat ang listahan
nga mga katanungang gustong hingan ng kasagutan.
Mga tanong na hindi maayos na naisulat
dahil sa takot at pagmamataas.
Mga tanong na mananatiling tago
sa bawat pagitan ng teksto.
Mananahimik.
Magtatago.
Maghihintay na lang na maglaho.
This piece is inspired by #Bakit List, #Bakit Hindi by Benjamin Gumboc.
Comments
Post a Comment
Reviews are very much appreciated